Monday, July 23, 2018

Pagpapakumbaba sa harap ng Diyos


Homily on July 23,  2018
Mikas 6:1-4.6-8
Mateo 12: 38-42
St. Peter Church, Commonwealth Avenue

Ang pagtitipon natin ngayong hapon ay pagtitipon ng mga taong handang manindigan para sa bayan. Ngunit alam natin na upang maging matiyaga at mabisa sa ating panindigan, kailangan muna tayong maupo at lumuhod. Maupo upang magnilay at makinig sa Dioyos na nagsasalita sa atin. Hindi Siya walang kibo sa ating kalagayan at hindi siya manhid sa kahirapan ng ating bayan. Alam niya ang nangyayari sa atin at siya ay kumikilos din sa ating kasaysayan. Pakinggan at suriin natin ang direksyon kung saan niya tayo ginagabayan. Kailangan din tayong lumuhod, upang magpakumbabang humingi ng tulong sa kanya. Ito po ang ginagawa natin ngayon. Nandito tayong umuupo at lumuluhod sa simbahan upang mamaya may tapang at lakas tayong tumindig sa lansangan.

Ano ba ang sinasabi ng Diyos?  Alam po natin na sa Banal na Kasulatan nagsasalita ang Diyos. Ano po ang mensahe niya sa atin ngayon? Si propeta Mikas ay nanawagan sa mga tayo noon na makinig sa kaso ng Diyos sa kanyang bayang Israel. Tinatawagan niya ang mga kabundukan at mga kalangitan na maging mga saksi sa sakdal ng Diyos laban sa kanyang bayan. Hindi sinabi ng Diyos kung ano ang masama na ginawa ng Israel, pero talagang masama.  Kaya siya ay nagtanong sa kanila. Bakit ninyo ito ginawa? Ano pa ba ang hindi ko nagagawa upang ipadama sa inyo ang aking pag-ibig? tanong niya. Ano pa ba ang kanyang pagkukulang? Pinalaya na sila sa pagka-alipin sa Egipto, binigyan sila ng mga leaders na sina Moises at Aaron. Saan pa ba ang Diyos nagkulang sa kanila?

Nabagabag ang mga tao sa akusasyon ng Diyos kaya nagtangka silang magbago. Kaya ang tanong nila, “Ano ba, O Diyos, ang gusto mo upang maging katanggap-tanggap kaming uli sa iyo? Ano ba ang maihahain namin sa iyo? Ilang mga toro ang gusto mong ialay namin? Ano mga dasal ang sasabihin naming?” Sa pananaw ng mga tao maging katanggap-taggap sila uli sa Diyos kapag naghain at nagdasal sila.

Hindi iyan ang gusto ng Diyos. Ang gusto niya ay pagbabago ng ugali—maging makatarungan at maging maibigin sa kapwa, at maging magpakumbaba sa Diyos. Ito ang gusto nating gawin, at ito rin ang hinihingi natin sa ating pamahalaan. Inaabangan natin ang SONA ng president. Inaasahan natin na iulat niya sa atin ang tunay na kalagayan ng ating bayan at magbigay siya ng mga programa na tutugon sa kalagayang ito. Sana tunay na kalagayan ang kanyang sabihin—just tell us the bare facts, however ugly they may be. We want to know the real score of government action, or inaction, or wrong action, of the past year and even the past two years, however ugly they may be. Tama na ang pang-iinsulto, pagmumura at pagbibintang. At gusto nating marinig kung ano ang balak niyang gawin upang tumugon sa kalagayang ito. Gusto nating malaman paano magkakaroon ng katarungan ang mga naging biktima ng mga pagpapatay – mga 23,000 na ang mga pinatay. Ano na ang resulta ng mga libo-libong killings under investigation? Paano ba magkakaroon ng katarungan ang mga manggagawa na patuloy na mababa ang suweldo, patuloy na nagdurusa sa ENDO? Ano ang katarungan ng mga katutubo na nasa evacuation centers dahil sa militarisasyon ng kanilang mga eskwelahan at communidad?  Paano iyong mga mangingisda na hinaharas ng mga Chino sa ating karagatan? Naghahanap kami ng katarungan!

Pag-ibig sa kapwa. Ang minimum na hinihingi ng pag-ibig ay paggalang. Gusto sana naming maging magalang ang presidente namin sapagkat bilang mga Pilipino, magalang naman tayo bilang bayan. Itigil na ang pagmumura! Ayaw naming marinig iyan sa aming mga anak, at lalong ayaw naming marinig iyan sa namumuno sa amin.  Kung iyan lang, ang pagtigil ng pagmumura, ay hindi niya kayang magawa, hindi siya karapat-dapat na mamuno sa amin. Kailangan din ng pag-ibig ay paggalang sa karapatan ng bawat isa – ng mga kababaihan, at pati na ng mga pinaghihinalaang lumilihis sa batas. Ang bawat tao ay may karapatan na dapat igalang ng autoridad.

Pagpapakumbaba sa harap ng Diyos. Ibabagsak ang lahat ng mayayabang. Nakakalungkot na wala namang laman ang mga pahayag ng president kundi kayabangan. Sana po magbago na siya sa SONAng ito.  Bahagi ng kababaang loob ay ang pag-amin ng pagkakamali. There is nothing wrong in apologizing when one is clearly wrong, sa halip na pagtatakpan pa ang pagkakamali. Kawawa naman ang press officers ng palasyon. Nabubulol na sa pagtatakip ng kamalian. Aminin na lang na nagkamali. Justice, love, humility. Ito po ang ibig ng Diyos at ito rin ang ibig natin.

Sa ating ebanghelyo nagalit si Jesus sa mga Pariseo na patuloy na humingi ng tanda sapagkat ayaw nilang maniwala.  Mabigat na mga salita ang binitiwan ni Jesus sa kanila: “ Lahing masama at di-tapat sa Diyos!” Hindi ba ganyan din ang humingi ng selfie kay Jesus para maniwala sa kanya? Nandiyan na ang tanda ni Jonas--ang muling pagkabuhay ni Jesus. Sa halip na humingi ng tanda, pakinabangan na natin ang nasa atin na nahigit pa kaysa anumang inaasahan natin. Higit pa si Jesus kaysa kay Jonas, kaysa Reyna na galing sa Timog. Si Jesus ang pinapahayag natin sa ating pananampalatayan. Manalig po tayo. Nakataya na si Jesus na atin. Hindi niya tayo pababayaan. Higit pas siya kaysa anong pamahalaan, kaysa pamahalaang ito. Kaya huwag tayong matakot at huwag tayong maduwag. Hindi natin kinatatakutan ang ulan, hindi natin kinatatakutan ang mga trolls, huwag nating katakutin ang mga pagbabanta, ni ang mga mamamatay tao. If God is for us, who can be against us. Let us just be sure that God is with us. Kaya tayo lumalapit sa kanya ngayon, lumuluhod sa harap niya, tatanggap sa kanya sa banal ng komunyon at magmamarcha sa mapayapa at mahinahon na paraan. Naninindigan tayo sa katarungan, kapayapaan at kaayusan. Ito ang ating hinihingi, at ito ang ang ating pamamaraan.

No comments:

Post a Comment

Homily - 21st Sunday of the Year Year B

August 22 2021 Josh 24:1-2.15-17.18 Eph 5:21-32 Jn 6:60-69   Noong nakaraang linggo nabalitaan natin na ang Committee on Population and ...