Man proposes, God disposes. Nagplaplano ang tao pero ang Diyos naman ang gumagabay ng pangyayari. Ang ganda ng plano naming mga pari mga tatlong buwan nang nakaraan. Ngayong March 31 ay ang ikalimang daang anibersaryo ng unang misa na ginawa ng grupo ni Magellan sa Limasawa noong 1521. Easter noon. Kaya ang first Easter mass sa Pilipinas ay nangyari noong March 31, 1521. Ngayong taon, ang Easter ay April 4, kaya itinakda ng CBCP na bubuksan natin sa buong bansa ang commemoration ng 500th anniversary ng Christianity sa April 4, 2021. Sa araw na ito bubuksan na ang mga jubilee doors ng lahat ng Cathedrals sa mga dioceses sa buong bansa. Dito magsisimula ang ating 500th anniversary celebration.
Pero ano ang mangyayari ngayong March 31? Dito sa Maynila nagkasundo na ang mga pari na sa araw na ito ay ipagdiriwang natin ang Chrism mass. Ito ay ang pagbebendisyon ng langis para sa mga may sakit, ang langis na ginagamit sa mga Catechumens at ang Banal na Krisma, ang mahalimuyak na langis na ginagamit sa binyag, sa kumpil at sa pag-oordena. Kadalasan ito ay ginagawa sa umaga ng Huwebes Santo at kasama sa pagbebendisyon ng mga langis ay ang pagsasariwa ng mga pangako ng mga pari sa harap ng kanilang obispo. Ito ang itinuturing nating pista ng mga kaparian. Nagkakatipon ang lahat ng mga pari sa harap ng kanilang obispo upang ipakita ang pagkakaisa ng mga kaparian. Iisa lang ang pagpapari ng lahat. Ito ay ang pagpapari ni Kristo at ang punong pari nila sa isang diocese ay ang kanilang obispo.
Kaya maganda ang plano, bilang paggunita natin ng first mass sa bansa magkakatipon ang lahat ng mga pari sa Archdiocese of Manila para sa Chrism Mass na ililipat natin mula sa Holy Thursday papunta sa Holy Wednesday, ngayong araw, March 31. Ang hindi inaasahan ay lalala ang pagkalat ng Covid 19. Kaya ngayon nasa ECQ uli tayo. Bawal na ang malalaking pagtitipon. Kaya may dali-daling pagbabago; ilipat na lang ang pagsasariwa ng mga pangako ng mga pari sa pagdating ng bagong arsobispo natin. Kung kailan man iyan ay hindi pa natin alam. Ipagpatuloy na lang ang Chrism mass kahit walang mga pari at mga tao. Kailangan kasi ang banal na mga langis sa pagbibigay ng mga sakramento. Ang mga langis na bebendisyunan sa misa ngayon ang ibabahagi sa mga parokya upang gamitin nila sa sakramento ng pagpapahid ng banal na langis sa mga may sakit, at ang krisma naman ay gagamitin sa binyag at sa kumpil. Kahit na simple na lang ang Chrism mass natin, ito ay nilalahukan naman ng marami sa ating online platforms. Salamat sa iyong pagdalo sa misang ito. Kaya, man proposes, God disposes.
Ang langis ay isang ordinaryo pero mahalagang gamit sa pang-araw-araw na buhay. Ang langis na ginagamit noon sa Palestina sa lugar ng mga Hudyo ay galing sa olibo. Ginagawang langis ang mga bunga ng olibo, pinipiga ang mga ito. Ito ay ginagamit sa pagkain, ginagamit na pampaganda, ginagamit bilang pampalusog at pampasigla ng katawan, tulad ng sa pagmamasahe, at ginagamit din sa pagbabanyos sa mga may sakit. Kaya ang langis ay naging tanda ng kasaganahan, ng kalakasan, at ng kagalingan.
Kaya ang tanda ng pagbibigay ng grasya sa mga may sakit ay pagpapahid ng langis sa kanila. Ito po ay sakramento para sa may sakit, hindi sa mga naghihingalo na. Kaya kapag malubha na ang kalagayan ng isang tao maaari na siyang bigyan ng sakramento para sa may sakit para gumaling siya. May kumakalat palang video tungkol sa virtual anointing of the sick. Ito po ay isang paraan ng pagdarasal para sa may sakit pero hindi ito ang sakramento ng pagpapahid ng banal na langis. There is no virtual sacrament of anointing of the sick. Talagang kailangan na mapahiran ng langis ang may sakit ng pari, with the proper prayers, para magkaroon ng sacrament.
Tayo ay nilalagyan din ng Banal na Krisma sa sakramento ng binyag at ng kumpil. Naniniwala tayo na si Jesus ay ang Kristo. Ang ibig sabihin ng Kristo ay ang nilangisan, the anointed one. Ang paglalangis ay tanda ng pagtatalaga. At ang pagtatalaga na ito ay ginagawa sa mga hari, mga pari at mga propeta. Ang ating paniniwala ay si Jesus ang hari, pari, at propeta na itinalaga ng Diyos. Dahil sa naniniwala tayo na si Jesus ay ang kristo, kaya tinatawag tayo na mga kristiyano. Hindi lang si Jesus ang nilangisan; tayo rin ay nilangisan. Nakiisa din tayo sa mga gawain ni Jesus bilang mga pari, hari at propeta. Itinalaga din tayo ng Diyos.
Bilang pari maaari tayong mag-alay ng sakripisyo na nagpapabanal sa mundo. Nakikiisa tayo sa sakripisyo ni Jesus sa Banal na Misa, at ang ating buhay at mga gawain ay inaalay din natin sa Diyos kasama ng Banal na Misa. So you are able to join in the sacrifice of Christ because you are also priests. Our priesthood as the ordained is meant to serve your priesthood, that is why ours is ministerial priesthood while yours is royal priesthood. Tayong lahat ay mga hari. Our kingship is patterned after the kingship of Christ. We exercise our kingship by service. Maliwanag ang sinabi ni Jesus na ang dakila sa inyo ay ang naglilingkod sa lahat. Ang bawat isa din sa atin ay mga propeta. Ang propeta ay ang nagpapahayag ng salita ng Diyos. Hindi lang tayo tagatanggap ng Magandang Balita. Tayo ay tagapaghatid din ng mensahe ng Diyos sa ating kapwa. We are gifted with the faith in order to give the faith. Kaya bilang mga binyagan tayo ay nagsasalita at naninindigan para sa katotohanan at para sa mga aral ng Diyos. Nakikiisa tayong lahat sa pagpapalawak ng mga aral ni Jesus.
Ang ating ebanghelyo ay hango sa unang pagbasa natin na galing sa aklat ni propeta Isaias. Inako ni Jesus na siya ay itinalaga ng Diyos at nilangisan ng Banal na Espiritu upang ibahagi ang mabuting balita sa mga dukha at tumulong sa mga nangangailangan. Tinanggap ni Jesus ang misyong ito na ibinigay sa kanya. Ganyan naman talaga ang buhay niya. Pumunta siya sa maraming lugar ng Galilea upang manawagan ng pagsisisi. Hindi niya hinayaan na puntahan lang siya ng mga tao. Pinuntahan niya ang mga tao at nagsalita sa kanilang mga sinagoga. Ang mga tinulungan niya ay ang mga may sakit, ang mga makasalanan, ang mga inaalihan ng masasamang espiritu. Talagang siya ay para sa mga dukha. Akala ng mga tao na ang kristong darating ay tulad ng mga hari at mga generals nila na siya ay maging matagumpay sa digmaan at maluwalhati. This is not so. Jesus’ manner of being Christ is not of greatness but of service, service to the poor and offering himself so that we may be saved.
Mahalagang tandaan ito kasi ang pagka-kristiyano natin ay ayon sa pagkakristo ni Jesus. We too are anointed to bring good news to the poor. Kaya ang ating chrism mass ay nagpapaalaala sa atin sa kahulugan ng ating pagiging mga anointed. We share in the christness of Jesus. Nakikiisa tayo sa pagka-kristo ni Jesus. Tayo rin ay nilangisan. Maging masigla at maging matapang sana tayo sa ating pagiging Kristiyano.