June 18, 2018
Quiapo Church
1 Kings 21:1-16; Matthew 5:38-42
Naimbitahan
ako na magmisa dito sa Quiapo ng mga dalawang lingo nang nakaraan para sa
nobena. Kilala ang Quiapo dahil sa Poong Senor Nazareno pero ang patron ng
Simbahang ito ay si San Juan Buatista. Pinaghahandaan natin ang kanyang kapistahan sa June 24. Nasa panahon tayo
ngayon ng pagnonobena. Para sa atin sa simbahan ang pagnonobena ay paraan ng espiritual
na paghahanda para sa fiesta. Sa siyam na araw nang sunod-sunod na pagdarasal
at pagsisimba nabubuksan ang diwa natin sa pagdiriwang ng kapistahan.
Pero
nagkataon din na ngayong araw ay ika-siyam na araw ng pagpatay kay Fr. Richmond
Nilo ng diocesis ng Cabanatuan. Kaya ialay din natin ang misa na ito bilang pagsisiyam
para sa kanyang kapahingahan. Bigla at hindi inaasahan ang pagpatay sa kanya.
Bagaman naghahanda siya para sa misa, siguro naman hindi niya inaasahan na
haharap sa siya sa Panginoon. Kaya tulungan natin siya ng ating panalangin.
Salamat po sa inyong pagdalo para sa nobena na ito at para sa ating pasisiyam
para kay Fr. Richmond.
Ang Bibliya
ay hindi lingid sa kalagayan natin. Sinasalamin nito hindi lang ang kabutihan
ng Diyos at ng tao. Pinapamukha din sa atin ang kasamaan ng tao sa kanyang
kapwa, pati na ang kasamaan ng mga namumuno sa kanyang pinamumunuan. Iyan po
ang unang pagbasa natin sa aklat ng mga Hari. Inapi, pinagsamantalahan, pinatay
at inagaw ang ari-arian ni Nabat ng Haring si Acab at ng Reynang si Jezebel.
Ayaw ibigay o ipagbili o ipagpalit man ni Nabat ang kanyang ubasan sa hari,
kahit mas magandang lupa ang ipapalit sa kanya, dahil sa iyon ay minana niya sa
kanyang mga ninuno. Ang ubasang iyon ay hindi lang ari-arian kundi isang biyaya
ng Diyos sa kanilang pamilya at bawal na iyan ay mapasa-iba. Kaya may kaugalian
sila na ang makabibili lang ng ari-arian ng pamilya na galing sa Diyos ay ang
kamag-anak lamang. Hindi dapat ito malalayo sa pamilya. Alam ito ni Haring Acab
dahil sa siya rin ay Israelita kaya wala siyang magawa kundi magmukmok at magtampo.
Ngunit si Reynang Jezekel ay isang dayuhan na taga-Sidon. Hindi niya
iginagalang ang kaugalian ng mga Israelita. Kaya siya ang gumawa ng paraan para
pagbigyan ang layaw ng hari. Talagang layaw lang iyon. Hindi naman niya
kailangan ang ubasang iyon. Gusto lang niya kasi katabi ng kanyang harden!
Ano ang
paraan ni Jezebel? Una, ginamit niya ang kapangyarihan ng hari. Gumawa ng sulat
at tinatakan ng tatak ng hari. Pangalawa, ginamit ang mga leaders of bayan.
Inutusan niya ang mga ito at sunod-sunoran naman sila. Pangatlo ginamit ang
relihiyon ng mga Hudyo – nagpatawag ng ayuno at ang bintang ay ang paglapastangan
sa Diyos. Pang-apat, ginamit ang kasinungalingan, tumawag ng mga huwad na
saksi. At panghuli, ginamit ang batas na nagsasabi na ang maglapastangan sa
Diyos ay dapat batuhin hanggang mamatay.
Si Acab ay
nabuhay ng mga 800 daang taon bago dumating si Jesus, samakatuwid, mga 2800
taon na mula sa ating panahon. Pero ang pangyayari na ating napakinggan ay
sumasalamin sa ating kalagayan. Si Acab at si Jezebel ay gumamit ng kanilang
pamumuno upang apihin ang kanilang pinamumunuan. Ginamit ang kanilang
kapangyarihan upang mang-api at pumatay para lang makuha ang gusto nila. Hindi
ba natin ito nakikita kay Duterte? Hindi ba natin nakikita na ginagmit din niya
ang ibang mga leaders ng bayan para sa kanyang mga disegno? Ginagamit niya ang
lower house sa pagsusulong ng kanyang panukala ng Death Penalty, ng
impeachments, ng pagtatanggal ng budgets ng mga hindi sumusunod sa kanya, at
ngayon, sa pagsusulong sa cha-cha at sa huwad na pangako ng federalism.
Ginagamit niya, at nagpapakamit naman, ang mga justices ng corte suprema, sa
mga gusto niya na ilibingh si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, na panatalihin
ang Martial Law sa Mindanao, at bukas, na patalsikin si CJ Sereno. Ginagamit
niya ang kapulisan na pumatay na mga mahihirap sa bintang na gumagamit daw ng
druga. Bakit mahihirap lang ba ang gumagamit ng drugs? Sila lang ang pinapatay kasi
mahihirap lang ang kaya niya. Ang mga mayayaman at mga negosyante ay sinasayaw
niya, tulad ng ginagawa niya sa Tsina. Gumagamit ng kasinungalingan para manira
ng iba. Huwag na natin banggitin ang mga bayarang trolls at bayarang spokesmen
and women na walang ginawa kundi pagtakpan at ipaliwanag ang mga kapalpakan
niya. Ginagamit ang batas – to have a semblance of legality – in whatever he
does. Talagang palaging napapanahon ang Bibliya. Ito ay nagsasalita sa atin.
Sinasalamin niya sa ating ang ating kalagayan.
Ano ang
gagawin natin?
Ang Bibliya
ay hindi lang Lumang Tipan. Mayroon din siyang Bagong Tipan at dito nakalagay
ang mga salita at pagkilos ni Jesus, ang Anak ng Diyos, ang Salita ng Diyos na
naging tao. Hindi palaging madaling sundin ang aral ni Jesus. Pero hindi lang
tayo pipili ng gusto nating sundin. Kung naniniwala tayo kay Jesus na siya ang
Daan, Liwanag at Buhay, ang lahat ng kanyang salita ay dapat nating unawain ng
maayos at sundin, kahit na mahirap. At ano ang aral niya sa atin ngayon? Huwag tayong maghiganti. Huwag nating
gamitin ang mga sandata ng mang-aapi. Haharapin natin ang kasamaan ngunit hindi
sa paraang ginagamit nito.
Kaya kung
ang gobyerno ay gumagamit ng kapangyarihan, ng tao, ng kasinungalingan, ng
tiwaling pag-unawa sa batas, at ng pagpapatay – hindi iyan ang gagamitin natin.
Kapag tayo ay gumagamit ng sandata ng kasamaan, kahit na manalo pa tayo, naging
masama na rin tayo. Natalo tayo ng kasamaan.
May headline
kahapon na may mga pari kuno na nag-aarmas na rin para hindi sila mapatay.
Hindi ko alam kung totoo ito. Kung totoo man, hindi ito tama. Ang baril ay
hindi sandata ng pari. Kung hindi man ito maintindihan ng mga armadong grupo,
at least sana tayong mga pari at kamadrehan ay nakakauna na ang kapayapaan ay
hindi makukuha ng hindi mapayapang paraan. Ang pagpatay ay hindi masusulusyunan
ng pagpapatay. Iyang dahilan ng self-defense ay masyadong overstretched.
Kahapon
narinig natin ang sinabi ni San Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Corinto:
“Palaging malakas ang ating loob.” At bakit? “Sapagkat nabubuhay tayo batay sa
pananalig sa Diyos at hindi sa mga bagay na nakikita.” We live by faith and not by sight. Kaya handa tayong iwanan ang
buhay na ito na pansamantala upang maratnan ang tahanang pangmagkailaman. Hindi
tayo mabubuhay ng wagas kung takot tayong mamatay! Kaya ang dapat pagsikapan
natin ay, sa mabuhay man o sa mamatay, tayo ay kalugod-lugod sa Diyos
Kaya ano ang
sandata natin? Baril? Hindi! SALITA! SALITA NG DIYOS! Ito ang ginamit si San
Juan Bautista. Ito ang ginamit ni Jesus. Magpahayag! Magsalita! Mga kapatid,
dito tayo nagkukulang ngayon. Ang tanong ng mga tao ay bakit tahimik ang
simbahan? Hindi inaasahan ng mga tao na may baril ang mga taong simbahan.
Inaasahan niyang magsalita ang taong simbahan – kaming mga Obispo, ang mga
pari, ang mga kamadrehan, ang mga lay groups. Sa dami-dami natin hindi na tayo
kailangang sumigaw pa. Magsalita lang
tayong lahat, aalignawgnaw na ang tinig natin, maririnig ng buong bansa na
masama ang pumatay, na huwag ng magsinungaling, na huwag ng magmura, na iligal
ang quo warranto, na ayaw natin ng cha-cha, na itigil na ang EJK, na huwag nang
ipagmigay ang Pilipinas sa Tsina. Magsalita! Ito ang ating sandata!
May isa pa tayong sandata: Panalangin. Bukas maririnig natin sa pagbasa sa
ebanghelyo: Ipanalangin ninyo ang umuusig
sa inyo! Mga kapatid, hindi pa sapat ang ating pagdasal. Dagdagan pa natin.
Noong tinanong ng mga alagad bakit hindi nila mapalayas ang masamang espiritu
sa bata, ang sagot ni Jesus ay “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu
sa pamamagitan ng panalangin!” (Markos 9:29) Mapapalayas lang ang masamang
espiritu sa Malacanang sa panalangin na may pananampalataya. Napapakita ang
pananampalataya sa atin panalangin kung sinasamahan natin ito ng penitensiya,
ng ayuno. Ganoon tayo kaserioso sa pagdarasal na ito ay may kalakip na ayuno.
Ginagamit ba natin ng sapat ang sandatang ito?
Hindi ba ito
rin ang ginawa ni San Juan Bautista? Siya ay kilala, maliban sa kanyang
pagbibinyag, sa kanyang umaapoy na
salita at sa kanyang buhay panlangin at penitiensiya.
Labanan
natin ang pang-aapi, ang pananakot, ang pagsisinungaling. Labanan natin ng
ating SALITA. Huwang tayong manahimik. Labanan natin ng ating panalangin na may
penitensiya. Simulan na natin ngayon sa misang ito.
No comments:
Post a Comment