Kahapon binuksan na sa Archdiocese of Manila doon sa Manila Cathedral ang ating pagdiriwang ng 500th anniversary ng pagdating ng pananampalataya sa ating bansa. Kinuha po natin ang okasyon ng ika-442 anniversary ng pagtalaga sa Maynila bilang isang diocese, ang pinakaunang diocese sa buong bansa. Bago nito ang buong Pilipinas ay nabibilang pa sa isang diocese sa Mexico. Hindi lang tayo natutuwa na 500 years na tayong Kristiyano. Ito po ay isang commitment din, kaya ngayong taon ang paksa natin ay Year of the Mission. We are gifted to give. Binigyan tayo ng pananampalataya upang ito ay maibahagi rin natin. So we say our YES to the mission.
Sa ikalawang pagbasa narinig natin ang commitment ni San Pablo sa pagmimisyon. Sabi niya: Woe to me if I do not preach the Good News. Sa Aba ko, kung hindi ko ipangaral ang Mabuting Balita! Para kay San Pablo ang pagmimisyon ay hindi isang option. Ito ay isang tungkulin na ibinigay sa kanya kasi siya ay katiwala ng Diyos, katiwala ng pananampalataya. Sana ito rin ang tingin natin. We are stewards of the faith, not owners of it. It has been given to us so that we may spread it. Sa totoo lang, nabubuhayan tayo sa pananampalataya kung ibinabahagi natin ito. We do not lose the faith by sharing it. Rather it grows strong in us and multiplies by sharing it with others. Kaya malaking pananagutan kung hindi natin ibinabahagi ang Good News. In fact we have to doubt if we have the Good News if we do not share it because it is the nature of the Good News that it be shared. Kung wala tayong ganang ibahagi ito, baka hindi mabuting balita ang mayroon tayo, baka wala pa tayong relationship kay Kristo. Jesus is not exclusive, na tayo-tayo lang ang nakakakilala. He is expansive; the more the merrier!
Paano ba ibinahagi ni San Pablo ang mabuting balita? Natuto siyang makibagay sa mga tao. Para maging katanggap-tanggap ang mabuting balita, naging mahina siya sa gitna ng mahihina, naging tulad siya ng mga Hudyo kung mga hudyo ang kausap niya, naging tulad siya ng mga Griego sa harap ng mga Griego. He adjusted himself according to the situation of his hearers. Isa pang ginawa niya, ipinangangaral niyang walang bayad ang mabuting balita. Kaya nga nagpalabas ng liham ang mga obispo ng CBCP na tatanggalin na ang mga bayad sa mga serbisyo ng simbahan, ang tinatawag na arancel, upang ang pera ay hindi maging hadlang sa pagtanggap ng grasya ng Diyos. Papaano ngayon masusuportahan ang simbahan? Sa pagtulong ng lahat ng faithful. Generous naman ang mga tao sa mga pangangailangan ng simbahan. Napatunayan natin ito ngayong panahon ng Pandemic.
Bakit ba kailangan magpahayag ng mabuting balita? Sapagkat ito ay kailangang-kailangan ng mga tao. Ito ang narinig natin sa aklat ni Job sa ating unang pagbasa. Dito inilarawan sa atin ang kalagayan ng maraming tao. Hindi lang pera ang kailangan ng tao, although alam natin na sa ating panahon ngayon ng pandemic talagang marami ay nangangailangan ng pagkain, ng trabaho at iba pang material na bagay. Higit pa sa pera, ang mga tao ang nangangailangan ng saysay, ng meaning sa kanilang buhay. Ang daing ni Job ay: Ang buhay ng tao ay sagana sa hirap, batbat ng tiisin at lungkot ang dinaranas. Sabi niya na matagal na panahon na walang layon, walang saysay ang buhay niya. Sapat na lang ba na huminga? Para sa ano ang buhay natin? Ano ba ang inaasahan natin? Makakain lang ba? Magkaroon lang ba ng pera? Makapagtrabaho lang ba? Mapalaki ang mga anak? Hindi mamatay? Iyan lang ba ang buhay? At ang bilis ng takbo ng panahon. Pebrero na. Ano na ang nagawa ko? Ano ang nangyari sa akin noong January? Lalong-lalo na ngayong pandemia, napapaisip tayo ng meaning ng buhay natin dahil sa mga di-katiyakan na ating hinaharap. At dahil sa mga ito, marami ang mga tao ang nadedepressed na.
Dito kailangan natin ng mabuting balita na mahalaga ang bawat isa sa atin, ganoon kahalaga na pinadala ng Diyos ang kanyang bugtong na anak upang ipadama ang kanyang pagkalinga sa atin. Kaya sa ating ebanghelyo narinig natin na si Jesus ay busing-busy na nangangaral, nagpapagaling, nagpapalayas ng mga demonyo. Hindi siya mapatigil sa isang lugar lang. Kahit na siya ang kilala at hinahangaan na sa Capernaum, sinabi niya sa mga alagad niya na kailangan silang pumunta sa ibang bayan pa upang ipahayag at ipadama sa mga tao ang Mabuting Balita. Gusto niyang maabot ang mas maraming tao. Sa mga gawaing ito nagbibigay siya ng pag-asa sa mga tao. Parang sinasabi niya na huwag tayong bumitaw, mahal tayo ng Diyos, may lunas sa mga problema natin, our life is worth it. God himself cares for us in Christ Jesus. Kailangan natin ng Good News ngayon, Good News na dala ni Jesus.
Si Jesus ang Good News, ang anak ng Diyos na naging tao at nakiisa sa atin. Siya ang may kapangyarihan na magpatawad, magpagaling at magbigay ng pag-asa. Ang gawain natin ay dalhin ang mga tao sa kanya, to promote and facilitate the encounter with Jesus. Ganyan ang ginawa ni Pedro noong ang biyenan niya ay may mataas na lagnat. Sinabi niya kay Jesus at si Jesus naman ay willing na lapitan at pagalingin ang matanda. Ganyan ang ginawa ng mga tao sa Capernaum noong lumubog na ang araw at tapos na ang Araw ng Pamamahinga. Dinala nila kay Jesus ang mga may sakit at inaalihan ng mga demonyo. Siyempre ang mga may sakit ay hindi makapupunta kay Jesus. Hindi ba ganyan din ang ginagawa natin – dinadala ang may sakit sa clinic o sa hospital. Hindi naman natin sinasabi na lang na pumunta sila sa ospital. Ang mga makasalanan o may masasamang espiritu ay hindi naman lalapit kay Jesus, nahihiya ang mga iyan, o natatakot o walang pakialam. Kailangan natin silang dalhin kay Jesus. Iyan ang ating pagmimisyon. Si Jesus lang ang tagapagligtas. Dalhin natin ang mga tao sa kanya. Let us facilitate the meeting of the people with Jesus, the only Savior.
May mga tao na sa kanilang sigasig sa pagmimisyon akala nila ang success ng misyon ay depende na sa kanila. Parang sila na ang magbibigay ng solusyon sa mga problema ng tao. Hindi! Diyos pa rin ang kumikilos. Grasya ng Diyos ang kaligtasan.
We cannot compare the work of the church to any business venture that we judge the mission by its success, either in terms of numbers converted, money earned, programs done, buildings built. Mission is a work of grace. This is why we need to pray. Si Jesus mismo ay nangangailangan na magdasal. Kahit na busy siya, naghanap siya ng panahon – madaling araw na tulog pa ang iba – at ng lugar – isang tahimik na lugar, upang magdasal - makipag-ugnay sa kanyang Ama. Regular niya itong ginagawa. Talagang madasalin siya, kung minsan magdamag pa. Napansin ito ng kanyang mga alagad kaya minsan, siguro dahil sa inggit o sa paghanga nang makita nila si Jesus na taimtim na nagdarasal, nakiusap sila sa kanya: Panginoon, turuan naman ninyo kaming magdasal.
Kaya ang pagmimisyon ay hindi lang pagpunta roon sa ibang lugar o paggawa ng mga activities. In fact, activism, o too much activities, ay sagabal sa pagpapahayag ng mabuting balita. Bahagi rin ng pagmimisyon ay ang pagdarasal. Maraming himala ang nagagawa ng panalangin. Kaya may dalawang patron tayo ng misyon – si San Francisco Javier, isang dakilang misyonero na pumunta sa India, Sri Lanka, Indonesia, Malaysia, Japan at namatay nang papasok ng China. Talagang aktibo siya. At ang isang patron natin ay si Santa Teresita ng Sanggol na si Jesus – St. Therese of Lisieux, isang mongha na hindi man lumabas sa kumbento pero malaki ang naitulong sa misyon ng kanyang pagdarasal.
Mahalaga ang pagdarasal para sa misyon. Kaya kahit na ngayong pandemic na hindi tayo makalabas ng bahay, we can say our Yes to the mission. We all can pray for the missionaries and for the spread of the Good News. We all can pray for people who are losing meaning in their lives, people who are suffering from sickness and material needs. Kahit na anumang kalagayan natin ngayon, pinapadala tayo ni Jesus na maging bahagi sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Let us all be missionaries. Let us start now in this Holy Mass by praying for missionaries and for their works.
No comments:
Post a Comment