Thursday, August 19, 2021

Homily on Installation as Apostolic Vicar


August 19 2021 Ez 34:11-16 Gal 5:1-6 Jn 10:11-16 

 Na ang installation na ito ay nangyayari ay isang himala ng Diyos, dahil sa kanyang pagmamahal. Himala ng Diyos na ako ay makabalik sa Palawan. Talagang gusto ko na ako ay makabalik uli at maglingkod dito sa Palawan, pero isang malaking milagro na ang hangaring ito ay natupad. Salamat sa Diyos! 

 Isang himala din na kahit na sa loob ng pandemya nagkakaroon tayo ng installation. Maraming nagbalak na mga taga-Maynila na pumunta rito, pati na ang Mahal na Cardinal Jose Advincula at ang ating Papal Nuncio na si Archbishop Charles Brown, pero hindi sila makaalis ng Maynila. Noong pinagkasunduan namin ang date na ito noong simula ng July, wala pa naman sa atin ang banta ng Delta variant. Maluwag na noon ang quarantine at nagbabalak pa ngang magiging maluwag ang turismo. Kaya marami ang nagpa-book na ng tickets at tirahan sa El Nido. Pero bigla na lang nagkaroon ng hard lockdown sa simula ng Agosto at mabuti pa nga napalitan ko ang aking ticket at nakalipad ako bago mag hard lockdown. Salamat sa Diyos. Kaya ngayon ang pagdiriwang natin ay naging all Palawan affair na lang. Nandito naman si Bishop Socrates Mesiona ng Vicariate of Puerto Princesa at si Bishop Edgardo Juanich, ang ating Bishop Emeritus ng Taytay. Mas simple pero mas naging family affair ng mga taga-Palawan. 

 Sa aking mga narinig at nakita, ang laki ng pasasalamat ko kay Bishop Edgardo Juanich, ang unang obispo ng ating bikaryato. Siya at ang mga unang pari na katulong niya ang nagsimula ng lahat. Ang laki ng kanilang ipinundar. Malawak at malalim ang pundasyon na kanilang ginawa sa ating bikaryato. Maraming salamat po, bishop Ed. Ako ay nagpapasalamat din na nandito pa kayo upang ako ay gabayan bilang bagong pastol. Magtatayo ako sa pundasyon na iyong itinanim. 

 Salamat din sa Diyos sa mga pari, mga seminarista, mga tao at mga benefactors dito sa Vicariato ng Taytay, at ng Puerto Princesa din, na naghanda sa ganitong mahigpit na kalagayan. Habang ako ay naka-quarantine tinatanaw ko habang sila ay nagtratrabaho, lalung-lalo na sa kanilang bayanihan na dito ay tinatawag na pagdagyaw o gulpe-mano. Ito ay isang katangian na sana hindi mawala sa atin – ang ating kusang pag-ambag ng panahon at pawis para sa common na mga gawain. 

 Sa mga pagsisikap at excitement na ito sa pagdating ng bagong obispo ay pinapakita kahit na ng mga simpleng mananampalataya ang kanilang paniniwala ng kahalagahan ng pagpapastol sa simbahan. Upang magkaisa ang mga tao, upang sila ay maligtas sa mga panganib, upang sila ay madala sa wastong landas, kailangan ng mga tupa ang pastol. Si Jesus mismo ay dumating upang maging mabuting pastol. Ako ay lubhang nagpapasalamat kay Fr. Reynante Aguanta sa pangangalaga ng tupa dito sa Apostolic Vicariate ng Taytay ng halos 3 taon bilang administrator. Salamat Fr. Rey at salamat din sa mga members ng inyong board of consultors at mga katulong na mga pari. Napangalagaan ninyo ng mabuti ang tupa kahit wala pang obispo. 

 Ang mga matingkad na katangian ng mabuting pastol ay ang pagkilala niya sa kanyang mga tupa at ang pag-aalay ng kanyang buhay para sa kanila. Narinig natin ang sinabi ni Jesus: “Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking tupa at kilala din nila ako tulad ng pagkakilala ng Ama sa akin at pagkakakilala ko sa Ama. At iaalay ko ang aking buhay para sa aking tupa.” Sa mga nakaraang araw kinausap ko nang isa-isa ang mga pari at nag-usap din kami ng sama-sama upang alamin mula sa kanila ang kalagayan ng simbahan dito. Hindi pa lang ako makakalapit sa mga lay leaders dahil sa mga pagbabawal ng protocol, pero balak ko ring bisitahin at kausapin sila. Hindi lang ako sasawsaw sa kalagayan ng mga local na simbahan; balak kong bumabad sa kanila, lalo na sa kalagayan ng mga nasa tabi-tabi o nasa laylayan ng lipunan. Sana po tanggapin nyo rin ako. 

 Ang mabuting pastol ay nag-aalay ng kanyang buhay upang ang mga tupa ay magkaroon ng kaganapan ng buhay. Itong pag-aalay ng buhay ni Jesus ay ginagawa natin tuwing tayo ay nagdiriwang ng misa. Sinasabi ng pari sa ngalan ni Jesus: “Ito ang aking dugo na ibubuhos alang-alang sa inyo.” Tuwing ako ay nagmimisa at binabanggit ko ang mga salitang ito pinapaalalahanan ako na hindi ko lang binabanggit ang salita ni Jesus ngunit ito ay dapat ko ring gawin ng totoo. Para sa inyo na ako ngayon. Sisikapin kong ibuhos ang aking sarili sa inyo. Hindi ako pipigil na magsasalita at kikilos upang iligtas kayo sa panganib at sa mga panlilinlang. 

 Mabuti at nandito rin ang ibang mga leaders ng lalawigan ng Palawan at ng mga lunsod ng bikaryato. Binibigyan kong halaga ang inyong presensiya. Salamat po sa pagdalo. Ibig kong makipagtulungan sa inyo para sa ikabubuti ng pamayanan. Pero sana maintindihan ninyo na kung minsan makakarinig kayo ng mabibigat na puna galing sa akin; hindi iyan nangangahulugan na tinitira ko kayo personally. Maging professional at mature lang tayo. Ang aking magiging layunin lamang ay liwanagan ang mga tao sa katotohanan, isulong ang katarungan, pangalagaan ang kalikasan na biyaya ng manlilikha para sa lahat at hindi lang sa iilan, at panindigan ang karapatan ng bawat isang tao sapagkat ang bawat isa ay mahalaga. Oo, mag-uusap tayo ng personal at ako mismo ay gustong magkaroon ng personal na ugnayan sa inyo kasi tayo ay magkakapatid sa paglilingkod at marami naman sa inyo ay mga Kristiyano din, pero kailangan ko ring magsalita sa publiko upang ang mga tao ay magabayan. Muli, salamat po sa inyong pagdating. 

 Ang aking motto na Fides in Caritate ay galing sa narinig natin sa ating ikalawang pagbasa. Ang mga tao noon sa Galatia ay nalilito. May mga nagsasabi na kailangan silang sumunod sa mga batas ng mga Hudyo upang sila ay maligtas. May nagsasabi naman na hindi na ito kailangan. Sinulat ni San Pablo na hindi mahalaga kung ang tao ay tuli o hindi tuli. Ang mahalaga ay ang pananampalataya na napapakita sa pag-ibig. Dinudugtong dito ni Pablo ang pananampalataya sa mga gawa ng pag-ibig. Hindi lang sapat na maniwala sa Diyos. Sinabi ni Santiago na ang Diablo mismo ay naniniwala sa Diyos at nanginginig pa sa pagbabanggit ng pangalan niya. Pero ang pananalig sa Diyos na walang pag-ibig ay patay. Nararamdaman ang pananampalataya sa mga gawain ng pag-ibig. Gusto kong ito ay palagi kong ma-alaala. Balewala ang pananampalataya na hiwalay sa pag-ibig. Kahit na ako ay may malaking pananampalataya na masasabi ko sa bundok na ito na tumalon ka sa dagat at iyan ay sumunod sa akin, kung wala naman akong pag-ibig, wala iyang pakinabang. Kaya hindi napapakinabangan ang mga dasal natin ng Santo Rosaryo o ang pagsisimba natin o ang pagbabasa natin ng Bible kung hindi natin natutulungan ang nangangailangan, o napapabayaan natin ang pinagsasamantalahan, o hayaan natin na linlangin at iligaw ang mga simpleng tao. 

 Isang salita na mula ngayon ay inyong maririnig ay synod o kaya synodality. Iyan ang magiging paksa ng pagpupulong sa Roma sa susunod na taon. Ang synodality ay isang mahalagang katangian ng simbahan. Ang ibig lang sabihin niyan ay sama-samang paglalakbay. Bilang simbahan sama-sama tayong maglalakbay – ako, ang mga pari, ang mga madre, ang mga laiko, ang mga kabataan, ang mga politico, ang mga negosyante, ang mga Tagbanwa, ang mga mayayaman, ang mga mahihirap. Lahat tayo ay simbahan. Tayo ay sama-samang naglalakbay patungo sa paghahari ng Diyos sa mundong ito. Hindi tayo makakapunta sa kanyang kaharian sa langit kung hindi tayo sama-samang nagtatayo sa kanyang paghahari dito sa lupa. 

 Ngayon ay kapistahan ni San Ezekiel Moreno, ang unang parish priest dito sa Palawan noong itinatag niya ang Parokya ng Puerto Princesa. Bata pa siya noong siya ay dumating sa Pilipinas noong 1870, at the age of 22 years old, at dito nga siya naordinahan. Marami siyang pinaglingkuran dito sa Pilipinas – sa Iloilo, sa Negros, sa Mindoro, sa Las Pinas, sa Batangas, sa Cavite, at sa Palawan kung saan muntik na siyang mamatay dahil sa malaria. Bumalik uli siya sa Espanya upang magserve sa pamunuan ng kanyang order, ang Agustinian Recollects. Mula doon pinadala uli siya sa Colombia kung saan siya itinalaga na Obispo noong 1893 sa isang Apostolic Vicariate doon. Namatay siya sa Espanya noong 1906, at the age of 58, habang siya ay nagpapagaling sa cancer. Isang masipag at matapang na misyonero si San Ezekiel Moreno na noong panahon na wala pang eroplano ay tinawid niya ang Pilipinas sa Asia, ang Espanya sa Europa at ang Colombia sa South America, para sa kaharian ng Diyos. Isa siyang mabuting pastol na nag-alay ng buhay niya para sa tupa. Ako ay inordinahan na obispo sa San Ezekiel Moreno Parish sa Macarascas Puerto Princesa 15 years ago sa araw na ito. Salamat sa Diyos! San Ezekiel Moreno, ipanalangin mo ako! Gabayan mo ako na maging mabuting pastol dito sa Northern Palawan. Bishop Broderick Pabillo

No comments:

Post a Comment

Homily - 21st Sunday of the Year Year B

August 22 2021 Josh 24:1-2.15-17.18 Eph 5:21-32 Jn 6:60-69   Noong nakaraang linggo nabalitaan natin na ang Committee on Population and ...