Isang linggo na ang Easter. Marami na tayong binati ng Happy Easter. Ano ba itong Easter, itong Muling Pagkabuhay? Ano ba ang kabuluhan nito para sa ating buhay?
First of all, we must remember that Easter is a Christ event. Ito ay nangyari kay JesuKristo. Siya na pinatay sa Kalbaryo ay muling nabuhay. That was a historical fact. Hindi iyan kathang isip lang ng mga alagad o haka-haka lang ng mga tao. Ang libingan ay walang laman at ang namatay ay nakita ng mga tao. Kaya walang laman ang libingan kasi nabuhay ang nakahiga doon.
Sa ating ebanghelyo pinakita ni Jesus kay Tomas ang kanyang kamay na nabutas ng pako at pinahipo ang kanyang tagiliran na tinarakan. The one that was pierced was the one standing before them. Ito ay concrete proof that he is risen.
Pero ang pagkabuhay ay hindi lang isang pangyayari kay Jesus. Ang pangyayaring ito ay nagdala ng pagbabago sa mga tao na tumanggap sa kanya, at malaking pagbabago! Pinakita ito sa ating unang pagbasa tungkol sa unang mga Kristiyano. Hindi na sila makasarili. Ang kanilang pagkakaisa ay hindi lang sa damdamin at sa isip. Naging kongkreto ito. Nagbabahaginan na sila sa kanilang ari-arian. Wala nang mahirap sa kanila kasi wala ring mayaman. Ang mayroon ay pinagbibili ang kanilang ari-arian at ibinibigay ang pinagbilhan sa mga apostol na sila naman ang nagbabahagi sa mga may kailangan sa kanila. Each gave according to one’s ability and each received according to his need. Ito ang ideal ng communism! Ang pagkakaiba lang sa mga komunista ngayon ay hindi ito pinapatupad ng Partido kundi kusang ginagawa ng mga members dahil sa ang lahat ay ginagabayan ng kapangyarihan ng muling nabuhay. This equality is a fruit of faith and not of force. Kaya naging makapangyarihan at kapani-paniwala ang pahayag ng mga apostol – hindi dahil sa magaling silang magsalita kundi dahil nakita ng mga tao na kakaiba ang pamumuhay ng Christian community. The power of the resurrection was operative in the Community. Ipakita din natin ito ngayon. Sa ating pagkakawanggawa, sa ating generosity, pinaparamdam natin sa mundo na buhay si Jesus. Tinatanggal niya sa atin ang kadena ng takot para sa kinabukasan at ng pagkamakasarili.
Isa pang resulta ng pagkabuhay ni Jesus ay ang kapatawaran. Napatawad na ang ating mga kasalanan. Kung si Jesus ay namatay sa krus, nag-alay ng kanyang sarili sa krus, at doon lang nagtapos ang kwento, na siya ay namatay para sa atin, hahangaan natin siya. Talagang mahal niya tayo. Pero hindi natin malalaman kung mabisa ba ang kanyang pag-aalay. Oo, binayaran niya ang ating kasalanan. Tinanggap ba ng Diyos ang bayad? Kaya sinabi ni San Pablo na kung si Jesus ay hindi nabuhay, tayo ang pinaka-kawawa sa lahat kasi nasa kasalanan pa rin tayo. Hindi naman natanggal ang ating kasalanan. Dahil sa pagkabuhay ni Jesus, nalaman natin na mabisa ang kanyang pag-aalay. Talagang napagtagumpayan niya ang kasamaan. Napatawad tayo sa ating kasalanan! Malaya na tayo sa kapit ng kasamaan!
Kaya noong si Jesus ay unang nagpakita sa kanyang mga alagad, ang unang regalo niya sa mga alagad ay ang Espiritu Santo na nagbibigay ng kapangyarihan na magpatawad. Hindi lang tayo napatawad. Ibinahagi pa rin niya sa mga apostol ang kapangyarihan na magpatawad sa ngalan ng Diyos. Dito pinapakita sa atin na ang tagumpay sa kasamaan at kasalanan ay nasa pagpapatawad. Kaya nga ngayong Sunday, ang unang Linggo ng panahon ng Easter, ay Divine Mercy Sunday. Ang kapistahang ito ay nagpapakita ng buong kahulugan ng pagpapakasakit, pagkamatay at pagkabuhay ni Jesus; sa maiksing salita, ang Paschal Mystery. All of these took place because of God’s mercy. Hindi ito nangyari dahil sa nagpakabait na ang tao. Ito ay nangyari dahil sa habag ng Diyos. Naawa ang Diyos sa atin. Napagtagumpayan ang kasamaan ng tao ng Habag ng Diyos.
Tuwing tayo ay nagpapatawad, tuwing tayo ay humingi ng tawad, tayo ay nakikiisa sa kapangyarihan at tagumpay ng pagkabuhay. Ang patawad nga ang solusyon sa kasamaan at hindi ang parusa. Kaya naman ng Diyos na magpadala ng mga anghel upang parusahan tayo sa ating kasalanan. Pero hindi! Pinadala niya ang kanyang kaisa-isang anak upang tayo ay kahabagan at patawarin.
Kailangan natin itong matutunan at ipahayag sa panahon natin kasi kahit na 500 taon nang nandito sa atin ang pananampalatayang Kristiyano, itong pinakasentro ng pagkakristiyano ay hindi pa natin natutunan. Pahapyaw pa lang ang ating pagiging kristiyano. May mga naniniwala pa, (kung maniwala tayo sa surveys ay marami pa ang naniniwala), na pagparusa ang solusyon sa kasamaan, at hindi pagparusa upang ituwid ang masama, kundi pagparusa na siya ay patayin – na bawian siya ng buhay at hindi ituwid ang kanyang buhay. Nakikita natin ito sa mga Kristiyano, at gumagamit pa ng Bibliya, upang isulong ang death penalty. Maliwanag ang sinabi ng Diyos: “I do not want the death of the wicked, but that he may turn back and live.” Kaya sinasabi ko po sa inyo – hindi kayo tunay na kristiyano kung naniniwala at isinusulong ninyo ang death penalty!
Masama ang Extra Judicial Killing sa mga drug addicts at rebelde. Ang Extra Judicial killing ay ang pagpatay na walang imbestigasyon ayon sa ating batas. Ang police at ang military na ang nag-aakusa at sila pa rin ang nagpaparusa, at ang parusa pa ay kamatayan. Hindi ba kayo nagtataka na ang lahat na sinasabi na nanlaban ay patay? Wala mang sinasabi na nanlaban na nasugatan lang. Talagang ang intensiyon ay patayin sila at hindi lang dakpin? At ang lalo pang masama, may mga Pilipino, at Kristiyano pa, na sumasang-ayon sa ganitong pamamaraan. Drug addict kasi eh! Rebelde kasi eh! Sino ang nagsabi? Nasaan dito ang habag? Nasaan dito ang awa?
Mga kapatid, tayo ay mga kristiyano dahil tayo ay kinaawaan ng Diyos. Wala namang isa sa atin ang makasasabi na wala akong kasalanan at karapat-dapat akong kristiyano! Lahat tayo ay may kasalanan, at lahat tayo ay nandito, nagsisimba at nagdarasal dahil kinahahabagan tayo ng Diyos. Kaya nga namatay si Jesus para sa bawat isa sa atin. Hingin natin kay Jesus ngayong Linggo na itanim din sa atin puso ang habag, na bigyan din tayo ng kapangyarihan na magpatawad sa nagkakamali sa atin at sa nagkakamali sa lipunan. Ang habag ang tagumpay natin sa kasamaan. Pinakita ito ni Jesus sa kwento ni Tomas.
Mayabang si Tomas. Kahit na nagpatotoo na ang mga kasama niya na nakita nila si Jesus, ayaw niyang maniwala. Mayabang pang sinabi: “Unless I see the mark of the nails in his hands and put my finger into the nail marks and put my hand into his side, I will not believe!” Nakaka-insulto ang kayabangan niya, di ba? Pero noong nagpakita uli si Jesus at si Tomas ay present na, hindi pinarusahan ni Jesus si Tomas o itiniwalag. Alam na alam ni Jesus ang sinabi niya at tinanggap ni Jesus ang kanyang hamon. “O sige, tingnan mo ang aking kamay. Sige, isuot mo ang iyong kamay sa aking tagiliran.” Binigyan ni Jesus ng pagkakataon si Tomas, at napaluhod siya at sa kanyang bibig nanggaling ang pagkakilala sa kanyang pagka-Diyos: “My Lord and my God!” Dahil sa pinagbigyan ni Jesus, nagbago si Tomas – mula sa hambog na tao naging mapagkumbabang mananampalataya. Nagtagumpay ang habag sa kayabangan!
The resurrection is not just an event that happened once upon a time. It is a continuing reality because its power is operative till the end of time. Kahit na masama ang ating kalagayan, kahit na nandiyan at parang nakaugat ang masasama, kahit na lumalakas ang pandaraya, patuloy tayong manindigan, patuloy tayong tumulong sa nangangailangan, patuloy tayong magpatawad. Kaya hindi tayo nagpapadala sa galit, sa takot, o sa kawalang pag-asa. Ang ating tagumpay sa mundo ay ang ating pananampalataya na si Jesus ay anak ng Diyos at siya’y muling binuhay ng Diyos. Dahil siya ay buhay, nakasisiguro na tayo ng tagumpay. Mahabagin ang Diyos. May awa ang Diyos!
Bishop Broderick Pabillo
No comments:
Post a Comment