Reminder: Today is the 4th Sunday – Pondo ng Pinoy Sunday. Pondo ng Pinoy is an ongoing program because it asks us to always consider others in our life and set aside something for them everyday, no matter how small.
Maraming beses sa mga Bible study na ginagawa ko natanong ko ang mga umaattend: “Maaari ka bang utusan na mahalin ang isang tao? Mauutusan ba ang pag-ibig?” Almost all the time ang sagot ay: Hindi. “Ang pag-ibig ay dumadating lang. Kapag tinamaan ka ng pana ni Cupid, magmamahal ka. Hindi na ito mapipigilan.” Sa ganitong pananaw, ang nasa isip ng tao ay ang romantic love. Ito ay pag-ibig na nasa damdamin lang, at ang damdamin ay hindi mauutusan. Hindi ito ma-co-control. Pero ito ay hindi pag-ibig na siyang pinaka-sentro ng katuruan ni Jesus Kristo.
Ang center ng ating pagka-kristiyano ay Pag-ibig. Ang pinakamahalagang kautusan ay pag-ibig. Kaya mauutusan tayong magmahal kasi ang pagmamahal ay wala lang sa damdamin, o sa feeling. Ito ay nasa kalooban. Ito ay nadedesisyunan natin. Mas maaasahan at mas malalim ang ganitong pag-ibig. Love is forever, if we decide it to be so. It is a commitment.
Ang kautusan ni Moises na matatagpuan natin sa Pentateuch, o Torah, ang unang limang aklat ng Bibliya na siya ang pinakamahalaga sa Lumang Tipan o sa Bibliya ng mga Hudyo ay naglalaman ng 613 laws. Napakaraming batas! Hindi ito magagampanan ng lahat. Kaya isa sa pinag-dediscusyunan ng mga dalubhasa sa batas ng mga Hudyo ay alin ba ang pinakamahalaga sa mga ito. Kung hindi man masunod ang lahat ng 613 laws, at least sundin ang mga mahahalagang batas. Sinubok si Jesus na kilalang guro sa Israel: alin ba ang pinakamahalagang batas? Walang pasubali at walang pagdududa ang sagot ni Jesus: Mahalin ang Diyos nang higit sa lahat. Ito ay galing sa Deut 6 na nirerecite ng mga Hudyo ilang beses araw-araw: ang tinatawag na SHEMA ISRAEL. “Makinig ka Israel. Iisa lang ang Diyos, si Yahwe ang Panginoon. Mahalin mo siya nang buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong pag-iisip.” Ang ibig sabihin nito, mahalin natin ang Panginoon nang buong pagkatao natin. Isa lang ang tanong kay Jesus – ang pinakamahalagang utos. Hindi lang isang utos ang binigay niya, ngunit dalawa: “Ang pangalawa ay tulad ng una: mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.” Galing naman ito sa levitiko 19. Dalawa ang binigay ni Jesus kasi hindi makatatayo ang una na wala ang pangalawa. Walang pag-ibig sa Diyos na walang pag-ibig sa kapwa.
Kung walang sukatan ang pag-ibig sa Diyos, mayroon namang sukatan ang pag-ibig sa kapwa. Ang sukatan ay ang pag-ibig sa sarili. Ang ibig sabihin nito ay: kung anong ibig mong gawin sa iyo, gawin mo sa iba. Ano ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa iba. Ibig mong unawain ka, unawain mo ang iba. Gusto mong pakinggan ka, pakinggan mo ang iba. Gusto mong igalang ka, igalang mo ang iba. Ayaw mong dayain ka, huwag dayain ang iba. Ayaw mong murahin ka, huwag mong murahin ang iba, ayaw mong lamangan ka, huwag mong lamangan ang iba. Simple lang, hindi ba?
Paano ba natin mamahalin ang Diyos nang higit sa lahat? Unahin natin siya sa ating panahon. Paano mong masasabi na mahal mo siya nang higit sa lahat kung sa halip na mag-dasal inuuna mo pa ang TV? Sa halip na mag-simba inuuna mo pa ang trabaho? Minamahal din natin ang Diyos nang higit sa lahat kung sa ating material resources, ang Diyos ang inuuna natin. Marami ay may budget para sa bahay, para sa kuryente, at para pa nga sa ibang bilihin, pero walang budget para sa Diyos. Walang inilalaan o itinatabi para sa Diyos. Kung may contribusyon para sa simbahan, kung ano lang ang mabunot, iyan lang ang ibibigay. Hirap nga ang mga tao na mag-tithing. Ang hirap naman ng magbigay ng ikapu. Isa lang sa sampo ang ibibigay natin sa tithing. Ang siyam ay maiiwan naman sa atin. Akala ko mahal mo ang Diyos nang higit sa lahat?
Isa pang paraan ng pagmamahal sa Diyos ay ang pagmamahal sa kapwa. Kaya hindi hiniwalay ni Jesus ang pag-ibig sa Diyos sa pag-ibig sa kapwa. St John tells us in his first letter: “In this is love: not that we have loved God, but that he loved us and sent his Son as expiation for our sins. Beloved, if God so loved us, we also must love one another. No one has ever seen God. Yet, if we love one another, God remains in us, and his love is brought to perfection in us.” (1 Jn. 4:10-12) Kapag pag-ibig ang pinag-uusapan ang unang dapat i-consider ay ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Mahal tayo ng Diyos. Ang tanda na mahal tayo ng Diyos ay hindi dahil sa buhay pa tayo, o wala tayong sakit. Ano man ang kalagayan natin ngayon, mahal tayo ng Diyos kasi binigay niya si Jesus sa atin. Ganoon ako kamahal ng Diyos na binigay niya ang the best niya, ang kaisa-isang anak niya. Dahil ganoon ako kamahal, kaya dapat kong mahalin ang aking kapwa. Hindi natin nakikita ang Diyos. Ang nakikita natin at kasama natin ay ang ating kapwa at sa pagmamahal sa kanila, nagiging ganap ang pag-ibig natin sa Diyos.
Sino ang kapwa na mamahalin natin? Sabi ni Jesus: “If you love those who love you, what recompense will you have? Do not the tax collectors do the same? And if you greet your brothers only, what is unusual about that? Do not the pagans do the same?” (Mt. 5:46-47) Love is not a close circuit affair. I only love those who love me and are good to me, and in turn they love me back. Ang kapwa na ating unang mamahalin ay iyong mga mahihina, iyon hindi pinapansin at madaling pagsamantalahan. Kaya nga sa ating first reading na galing sa aklat ng Exodo winarningan tayo na huwag natin pagsamantalahan ang mga vulnerable, na noong panahon ay ang mga dayuhan (dahil wala silang kakampi), mga balong babae (wala nang asawa na katuwang nila), mga ulila (mga bata na walang mga magulang na magproprotekta sa kanila), at mga mahihirap (walang-wala sila sa buhay). Huwag silang apihin at pagsamantalahan. Dalawang beses narinig sa maiksing pagbasa natin na kapag sila ay tumawag sa Diyos, (at dahil sa wala naman silang kakampi, sa Diyos na lang sila makakatawag,) papakinggan sila ng Diyos sapagkat siya ay mahabagin.
May isang mahalagang bagay na dapat pansinin sa narinig natin galing sa aklat ng exodo – iyong pagpapautang ng may tubo. Ngayong panahon ng pandemic, maraming mga tao ay nawalan ng hanap buhay. One way to cope is to borrow. Kung ang kapwa ay nanghihiram dahil sa kahirapan, hindi tama magkaka-interest tayo sa kanyang kagipitan sa buhay. Kikita pa tayo dahil sa hirap siya. Iba iyong nanghihiram para magtayo ng negosyo. Ok lang na makibahagi sa kita ng ating pera na ginagamit niya. Pero huwag natin pagkakakitaan ang kahirapan ng iba. Ito ay totoo rin sa mga bansa. Kaya nananawagan ang Santo Papa at maraming mga tao na magkaroon ng debt cancelation ang mga mahihirap na bansa upang matugunan nila ang basic needs ng kanilang mga tao kaysa magbayad ng utang at interest ng utang sa malalaking bangko at mayayamang bansa.
Ngayong Linggo ay Prison Awareness Sunday. Ang mga bilanggo ay mga kapwa natin na dapat nating bigyan ng pansin at mahalin. Sila din ay kapwa tao pa rin natin. Kawawa ang kalagayan ng mga nasa bilangguan nating mga kapatid at iyan ay aabot sa hundreds of thousands. Nakakalungkot at nakakagalit ang kalagayan ng ating mga jails. Inhuman ang kanilang kalagayan – siksikan, madumi, walang basic services, pinagsasamantalahan at inaabuso. Dapat ang mga iyon ay rehabilitation facilities, but people there are not rehabilitated at all. There is very little program for rehabilitation. Sila ay nangangailangan ng tulong. They appreciate very much kahit sabon lang or toothpaste ang iabot sa kanila.
Sabi ng iba: hayaan na ang mga bilanggo. Masasamang tao ang mga iyon! Hindi naman natin masasabi na dapat silang parusahan dahil sa masasamang tao sila. Marami ang mga nasa jails natin ang hindi naman dapat nandoon; they are victims of injustice. Marami sa kanila ay maliliit na tao na napagbintangan. Political prisoners are a case in point. There are hundreds of prisoners who are there because of their political beliefs and they are victims of injustice done by law enforcers who plant evidences and make cases against them. Senator Delima is a clear example of this. she is in detention for 4 years already without any conviction. Justice delayed is justice denied.
Love is not just a romantic feeling. It is not just about feeling good. It is a commitment for the good. And there are so many who are very uncomfortable on the Christian message of love of God and love of neighbor. This is why even today Christianity is the most persecuted religion. Bakit naman uusigin, sisirain ang mga simbahan, ikukulong ang mga tao na naniniwala at nagsisikap isabuhay ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa tulad ng ginagawa ngayon sa China? Bakit? Dahil sa kung mahal natin ang Diyos nang higit sa lahat, uunahin natin sya at ang kanyang mga utos. Ayaw iyan ng mga regimes, systems and people who claim they are the greatest. Bakit? Dahil sa kung mahal natin ang ating kapwa, lalo na ang mga pinagsasamantalahan, malalantad ang pang-aabuso na ginagawa sa mga tao, at ayaw iyan ng mga nang-aabuso.
Every Holy Mass is a celebration of love – how God loves us so much in Christ Jesus. Jesus gives himself to us that we may live. The fruit of this celebration is the deep consciousness that we are loved. Because God loves us so, let us love one another.