Num 6:22-27 Gal 4:4-7 Lk 2:16-21
Happy New Year! This is our celebration today, the New Year, but this is not the only celebration of January 1 every year. For us in the Church it is the solemnity of Mary, the Mother of God. January 1 is also the World Day of Peace. Napakayaman ng kahulugan ang unang araw ng calendar year.
Ito ang ika-54 taon ng World Day of Peace na sinimulan ni St. Paul VI noong 1967. Sa araw na ito ipinagdarasal natin ang kapayapaan sa mundo na lubhang napaka ilap. Kapayapaan ang message ng anghel sa mga pastol noong isinilang si Jesus: Peace on earth! Ang Santo Papa ay nagbibigay ng mensahe tungkol sa kapayapaan tuwing January 1. The message of Pope Francis this year is: THE CULTURE OF CARE AS THE PATH TO PEACE. Napapasaloob dito ang pangangalaga sa kapwa, sa mga mahihina, sa mga dayuhan, at sa kapaligiran. Sa Banal na Misa ngayon ipagdasal natin na pagkalooban tayo ng Diyos ng kapayapaan. Ito ay isa sa hinahangad ng lahat, at from experience, hindi natin maaabot ang kapayapaan sa ating sariling pagsisikap lamang. Ito ay biyaya ng Diyos. Patuloy nating hingin ito.
Ang January 1 ay ang ika-walong araw pagkatapos ng pagsilang ng Panginoong Jesus na ipinagdiwang natin noong December 25. Ayon sa kaugalian ng mga Hudyo, sa ika-walong araw ng pagsilang tinutuli ang bata kung kailan din siya binibigyan ng pangalan. Ang pagbibigay ng pangalan ay mahalaga dahil ang pangalan ng isang tao ang nagpapahiwatig ng kanyang misyon o gawain sa buhay. Kung ano ang tawag sa kanya, magiging ganyan siya. Ang bata ay tinawag na Jesus, ayon sa sinabi ng anghel kay Jose. “You are to name him Jesus because he will save his people from their sins.” Iyan ang ibig sabihin ng pangalang Jesus: manliligtas. Ang pagtutuli sa batang Hudyo ay ang pagpasok niya sa bayang hinirang ng Diyos, ang lahi ng mga Hudyo. Si Jesus ay isang Hudyo at tinupad niya ang pangako sa mga Hudyo. Siya ang Kristo.
Ngayong huling araw ng Christmas Octave, ang focus ng ating pansin ay ang Ina ni Jesus, si Maria. Marami tayong mga titles sa Mahal na Birhen dahil sa marami ang kanyang katangian, marami ang kanyang mga papel, at marami ang kanyang pagpaparamdam ng kanyang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang mga Apparitions. Kaya mayroon tayong Birhen ng Fatima o ng Lourdes o ng La Salette. Mayroon tayong Maria Ina ng Hapis, Reyna ng mga Apostol, Ina ng Simbahan, Mary Help of Christians. Sa lahat ng mga titles ng Mahal na Birhen, ang pinakamahalaga ay si Maria na Ina ng Diyos. Iyan ang pinakamahalagang papel na ginampanan niya sa Kasaysayan ng Ating Kaligtasan: siya ay Ina ng Diyos. Matagal na pinagdebatihan ang title na ito sa loob ng simbahan. May mga obispo na nagsasabi na siya ay Christotokos – tagapagdala ng Kristo pero may mga obispo na nagsasabi na siya ay theotokos – tagapagdala ng Diyos. Ang naging opisyal na katuruan ng simbahan tungkol dito ay idineklara ng First Council of Ephesus noong taong 431 AD na si Maria ay Ina ng Diyos. Siya ay theotokos. Ang pinapahalagahan dito ay ang kanyang anak, na ang anak niya ay Diyos. Si Maria na Ina ng Diyos ay hindi Diyos, kundi ang anak niya ay Diyos, tulad ng kapag sinabi natin na ina ng pari, hindi ibig sabihin na siya ay pari kundi ang anak niya ay pari.
Si Maria ay ina ni Jesus, na ayon kay San Pablo sa ating ikalawang pagbasa, na sa takdang panahon ay isinilang ng isang babae upang tayo ay tubusin at maging mga ampon na anak ng Diyos. Alam natin na ang huling pamana ni Jesus sa atin bago siya mamatay sa Krus ay ang kanyang ina. Ipinagkatiwala ni Jesus si Maria sa atin na kinatawan ng minamahal niyang alagad at pinagkatiwala din tayo sa kanyang Ina. Maganda at sa unang araw ng taon hinahawakan natin ang kamay ni Maria na Ina ng Diyos at Ina rin natin. Hindi natin alam saan tayo dadalhin ng taong 2021, pero may assurance ngayon na nandiyan si Maria na ating Ina. Hindi tayo nag-iisa at hindi niya tayo pababayaan.
Kunin natin ang attitude ni Mama Mary sa araw na ito. Nasorpresa si Maria sa mga sinasabi ng mga pastol noong ang mga ito ay dumalaw sa kanila sa gabi ng pasko. Siguro naguluhan din siya sa balitang may mga anghel na umawit sa mga pastol. Ano ang ginawa ni Maria? Mary kept all these things, reflecting on them in her heart. Sa simula ng bagong taon, kasama ni Maria, manahimik tayo, magnilay at magdasal. Hanapin natin ang kahulugan ng mga pangyayari sa buhay natin. Alam natin na kasama natin ang Diyos sa ating kasaysayan. May sinasabi siya sa mga pangyayari. Taimtim natin itong pagnilayan. Kaya ang magandang pagdiwang ng Bagong Taon ay pananahimik at pagdarasal. Ipaubaya natin sa Diyos ang taong 2021. Kakaiba ito sa ginagawa ng mga taong wala ng ginawa kundi magpaputok, mag-ingay, tumalon at mag-inuman ng alak. Umaasa silang magugulat nila ang malas sa buhay nila sa kanilang pag-iingay. Hindi iyan totoo.
Ano kaya ang dadalhin ng 2021? Noong nakaraang taon, pagpasok ng taong 2020, mataas ang ating pag-asa. Simula noon ng bagong decada. Hindi natin inasahan ang dinala ng 2020. Noong Enero pa lang sinalubong tayo ng pagsabog ng bulkang Taal. Noong Febrero pumasok na ang Covid 19 sa ating bansa at nabalitaan na natin ang lockdown sa Wuhan, China. Hindi naman tayo umasa na maaapektuhan tayo. Pero sa kalagitnaan ng March nagkalockdown na rin tayo. Tumigil na ang karaniwang takbo ng buhay natin. At ngayon ay nasa 10 buwan na tayo ng iba’t-ibang level ng lockdown. Patuloy ang ating takot sa balita ng bagong strain ng Corona Virus. Dinalaw din tayo ng apat na sunod-sunod na bagyo na nagdulot ng malalaking baha sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Mabigat na ang mga natural calamities at health problems, mas lalo pang pinatindi ng mga pagsasamantala ng pamahalaan sa taong bayan. Patago at sapilitang pinasabatas ang Terror Law. Kung gaano kabilis ang pagpasa ng Terror Law ganoon din kabagal ang pag-aksyon ng Supreme Court sa 37 petitions laban dito. Mula noong buwan ng Mayo hanggang sa buwang ito, hindi pa ito inaaksiyunan. Gaanon din kabilis ang pagtanggi sa franchise renewal ng ABS -CBN na wala namang dahilan. Mabagal din ang pagtugon ng ayuda sa mga nawalan ng hanap buhay. Hayyy! 2020!
Pero huwag tayong mawalan ng pag-asa. Kahit na may mga banta na sa 2021 tulad ng di pagkakasundo tungkol sa vaccine at kung sino ang makatatanggap nito, at banta ng second wave of lockdown at ng new strain ng virus, hindi tayo nawawalan ng pag-asa. Sa ating unang pagbasa sinabi ng Diyos kay Moises kung ano ang blessing na ibibigay ni Aaron at ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Si Aaron at ang mga anak niya ang mga pari sa bayan ng Israel. Ang bendisyon niya ay ang pagpapadala na ibibigay ng Diyos sa kanyang bayan. “The Lord bless you and keep you! The Lord let his face shine upon you, and be gracious to you! The Lord look upon you kindly and give you peace!” Sa mga blessings na ito, ang Diyos ang gagawa. Siya ang mananatili sa atin. Siya ang magiging mabuti sa atin. Siya ang magiging mahabagin sa atin at magbibigay ng kapayapaan. Ang Diyos nga ay active sa ating kaligtasan. Hindi niya tayo pababayaan.
Ngayong taon ay aalalahanin natin ang 500th anniversary ng ating pananampalatayang Kristiyano sa ating kapuluan. Ito ay dapat din magbigay sa ating ng pag-asa. 500 yeara na tayong inalalayan ng Diyos. Talagang tapat siya. Hindi niya tayo ngayong basta na lang na bibitawan. Ang pag-asa natin ay nababase sa katapan na Diyos sa atin.
Marami ang nagtatanong: nasaan ba ang Diyos sa mga nangyayari ngayon? Nandiyan siya! Kung sinorpreso tayo ng 2020, hindi ba tayo mas masorpresa na nakayanan natin ang ating dinaanan? Nakayanan nating magampanan ang ating trabaho, ang mag-aral, at iba pang gawain sa pamamagitan ng online facilities. Nakayanan nating mapanghawakan at mapalalim pa ang pananampalataya kahit na nasa bahay lang tayo. Nakayanan na tumulong sa kapwa kahit na mabigat din ang buhay natin. Paano natin nagawa ang mga ito kung hindi dahil sa Diyos? Kaya kasama ng Mahal na Ina, kasama ng bendisyon ng Diyos mahaharap din natin ang 2021 ng buong pag-asa. God is with us! We are not alone. We can face this together with God!
No comments:
Post a Comment