“Comfort! Comfort my people! Aliwin! Aliwin ninyo ang aking bayan!” Iyan ang sigaw na narinig natin sa ating unang pagbasa. Hindi ba ito rin ang gusto nating marinig ngayon? Bugbog na tayo sa lockdown, sa kawalan ng trabaho, sa hirap sa internet sa ating work from home at sa ating online learning, sa pagkasira ng mga negosyo, sa sakit, sa baha, sa mga nasisiraan na ng loob, sa Covid 19. Ang haba na ng listahan at sinasamahan pa ng red-tagging at pagpapatay sa mga abogado at patuloy na EJK.
The prophet cried to comfort the people because the Lord is coming. Ang bayan ng Israel noon ay matagal nang ipinatapon sa Babylonia. Nawawalan na sila ng pag-asang makabalik sa kanilang bayan. Ang pagkatalo nila sa mga Babylonians at ang kanilang exile ay parusa sa kanilang mga kasalanan sa hindi pagsunod sa Diyos. Ang Magandang Balita ni propeta Isaias ay: bayad na ang kasalanan ng bayan. Kaya darating na ang Diyos sa kanila. Makakauwi na sila sa kanilang bayan. So make a highway for the Lord to come. Yes he will come with glory and power, but most of all he will come with tenderness, like a shepherd carrying the lamb in his arms. Iuuwi na niya ang mga Israelita sa kanilang lupain.
Itong panawagan ni propeta Isaias mga 500 years bago dumating si Jesus ay ginamit din ni Juan Bautista sa ating ebanghelyo. Siya ang boses na nananawagan sa ilang. Darating na ang ipinangako ng Diyos na mesias. Sa totoo, hindi lang mesias o Kristo ang darating. Siya ay ang anak ng Diyos mismo. Labis sa ating imagination ang pagtupad ng Diyos sa kanyang mga pangako. Nangako siya na magpapadala ng taong itinalaga niya – ang tinatawag na Mesias sa Hebreo o Kristo sa Griego. Nakakagulat na ang Kristo na ipapadala ay ang anak niya mismo. Kaya tuloy nasabi ni Juan Bautista: “Hindi nga ako karapat-dapat na magkalag man lang ng tali ng kanyang sandalyas.”
Ang daan o highway na ating ihahanda ay ang ating puso. Totoo dumating na si Jesus sa ating mundo, pero dumating na ba siya sa ating buhay? Gusto niyang pumasok sa ating puso, sa bawat isa sa atin. Ang tanging hadlang lang sa kanyang pagdating ay ang kasalanan. Tanggalin ang kasalanan.
Sa Tagalog may iba’t-ibang salita tayo sa kasalanan. Tinatawag natin ito na pagkukulang. Parang valley o lambak ang ating buhay na kailangang tambakan. Punan na natin ang ating mga pagkukulang sa ating pamilya, sa ating trabaho, sa bayan, o sa Diyos. Ang kasalanan ay tinatawag din na pagmamalabis. Ito ang mga bundok na kailangang tibagin. Pagmamalabis sa kasakiman. Naging uso noon ang kasabihang, control your greed. May mga tao na sobra ang yabang, masyadong mahangin. May mga tao rin na hindi nakokontento sa kapangyarihan, kaya minamata ang iba. Iyan iyong palamura, minumura ang iba, ginagawang mura ang kapwa tao. Ang mga bisyo ay pagmamalabis – sobra ang pag-iinom, sobra ang pagsusugal, sobra ang paggamit ng droga. Ang kasalanan ay kalikuan, liko-liko ang pamamaraan. Kailangan itong ituwid. Liko-liko ang transaction sa corruption. Ang mga pandaraya ay kalikuan. Iyan ang kasalanan: pagkukulang, pagmamalabis, liko-liko. Gawin na nating matuwid ang ating buhay upang matanggap nang madali ang Diyos na dumarating.
Ano ang paraan upang maituwid ang buhay natin? Magsisi! Ang pagbibinyag ni Juan Bautista ay tanda ng pagsisisi. Ang mga tao na naantig sa panawagan ni Juan ay nagsisisi na sa kanilang kasamaan. Lumulusong sila sa ilog Jordan, at dito pinapaliguan sila ni Juan, nilulublob sa tubig. Nililinis na sila sa karumihan ng kasamaan. Tayo ay nilinis na sa tubig ng binyag. Pero nagkakasala pa rin tayo. Ang pagtanggal sa kasalanan na nagawa pagkatapos ng binyag ay ang pagkukumpisal. Pumupunta tayo sa kumpisal dahil nagsisisi na tayo. Inaamin na natin na nagkamali tayo, kaya ikinukumpisal na natin ito. Ang panahon ng adbiyento ang panahon ng pagsisisi, panahon ng pagkukumpisal. Sana maghanap tayo ng pagkakataon na makapangumpisal para pagdating ng Pasko matagpuan ni Jesus ang ating puso na handa para sa kanya.
Sa December 8 ipagdiriwang natin ang dakilang kapistahan ng Immaculada Concepcion, ang kalinis-linisang paglilihi kay Maria. Inihanda ng Diyos ang Birheng Maria na tanggapin si Jesus. Hindi niya hinayaang mabahiran ng kasalanan ang laman na pagkukunan ng kanyang anak ng laman upang siya ang maging tao. Kaya ang kapistahan ng Immaculada Concepcion ay hindi lang tungkol kay Maria, ito ay tungkol kay Jesus. At home si Jesus sa sinapupunan ni Maria kasi ito ay hindi nabahiran ng kasamaan. Kasalanan lang ang humahadlang sa pagdating ni Jesus. Kaya sinabi ni San Pedro sa ating ikalawang pagbasa: “Samantalang kayo’y naghihintay, sikapin ninyong mamuhay na payapa, walang dungis at kapintasan.”
Ito ang dahilan ng ating paghihintay. Ito ay panahon ng pagsisisi at pagbabagong buhay. Baka naman sabihin ninyo: “Taon-taon na lang tayo nagdiriwang ng adbiyento, palaging naghihintay, at wala naman siya. Kailan pa siya darating?” Ito rin ang reklamo kay San Pedro. Kaya sinabi niya na huwag tayong mainip, kasi iba ang pagbilang ng panahon ng Diyos. “Sa Panginoon, ang isang araw ay sanlibong taon, ang at sanlibong taon ay isang araw lamang.” Huwag tayong mainip sa kahihintay. Binibigyan pa niya tayo ng panahon upang makapagsisi at makagawa ng kabutihan. Ayaw niya na tayo ay mapahamak. So he still gives us the opportunity to be more ready. Let us not take the time that we have as simply wasting or killing time but as opportunities to grow in love of him and to be more like him. Jesus is faithful. He will surely come.
Si Juan Bautista ay hindi lang nanawagan sa kanyang pagsasalita. Ang kanyang buhay, ang kanyang lifestyle is also a message. Marami ang mga taong pumupunta sa kanya hindi lang dahil sa kanyang mga salita. Kapanipaniwala ang kanyang salita dahil sa kanyang buhay. St Pope Paul VI wrote: “Modern man listens more willingly to witnesses than to teachers, and if he listens to teachers, it is because they are witnesses.” (St Paul VI (Evangelii Nuntiandi, 41) Totoo nga ito kay Juan Bautista. Simple ang buhay niya. Nakatira siya sa desert, balat ng camel ang kanyang damit, pagkain sa disyerto ang kanyang kinakain – honey at mga insects. Noong nabilanggo na si Juan tinanong ni Jesus ang mga tao: " What did you go out to see in the desert? Someone dressed in fine clothing? Those who wear fine clothing are in royal palaces. Then why did you go out? To see a prophet? Yes, I tell you, and more than a prophet.” (Mt. 11:8-9 NAB) Prophet si Juan Bautista sa kanyang salita at sa kanyang pamumuhay. Ipinakita niya sa kanyang pamumuhay kung paano matanggap si Jesus: in humility, in simplicity and in commitment to the truth.
In humility. Hindi siya nagmamalaki. Handa na ang mga tao na maniwala na siya na ang Kristo. Pero sinabi niya na hindi siya. May isa pang mas dakila kaysa kanya. In fact he said: He must increase but I must decrease. I am not the main actor. I am just the companion of the bridegroom. In simplicity. By his lifestyle he tells us that it is in voluntary poverty that we are more ready to recognize and accept the Lord. In commitment to the truth. He was strong in his message to the people to repent, kahit na sa mga officials at sa mga kawal. Maliwanag din ang kanyang salita kay Haring Herodes na hindi tama na kinakasama niya ang asawa ng kanyang kapatid.
Maganda ang balita sa atin: Sa gitna ng mga problema na bumabagabag sa atin, darating ang Diyos. Napatawad na tayo sa ating mga kasalanan at dadalhin niya tayo sa kanyang piling. Ang hamon sa atin: patuluyin natin siya. Tanggalin na ang mga pagkukulang, pagmamalabis at kalikuan sa ating buhay na humahadlang sa kanya. Pakinggan natin ang panawagan ni Juan Bautista na magsisisi at sundin natin ang halimbawa ng buhay niya: mamuhay ng simple, maging mabababa ang loob, at manindigan sa katotohanan.
No comments:
Post a Comment