August 22 2021 Josh 24:1-2.15-17.18 Eph 5:21-32 Jn 6:60-69
Noong nakaraang linggo nabalitaan natin na ang Committee on Population and Family Relations sa Lower House ay umaproba ng Absolute Divorce Bill at ito ay ipapasa na nila sa plenary meeting ng House of Representatives. Ito ay nakababahala kasi sa halip na palakasin ang pamilya ayon sa ating Saligang Batas, ang divorce ay nagpapahina sa pamilya. Ito ay napapatunayan na sa lahat ng mga bansa na may absolute divorce. Totoong may mga pamilya na disfunctional at may mga kababaihan at kabataan na naaabuso sa mga pamilyang ito. Pero divorce ba ang solusyon? Kung ang kalingkingan o kamay ay may sugat, kailangan bang putulin agad? Hindi ba dapat iyan ay gamutin? Hindi ba dapat tulungan ang mga mag-asawa na may problema sa halip na itakda na maghiwalay na lang sila? Mas maraming kahirapan ang dadalhin ng divorce sa mas maraming kababaihan at kabataan. Iyan ang karanasan ng mga paghihiwalay sa pamilya.
Ang pagkakaisa ng pag-aasawa ay isang katuruan hindi lang ng Simbahan kundi ng Diyos mismo. Si Jesus ay sumalungat sa katuruan mismo ni Moises sa Lumang Tipan na pumapayag ng divorce kasi hindi ito ang balak ng Diyos noong nilikha niya ang tao. Ang lalaki at babae na pinagsama ng Diyos noong simula pa ay huwag paghiwalayin ng tao. Kaya para sa ating mga katoliko ang kasal ay hindi lang isang simpleng kontrata. Ito ay isang sakramento. Ang sakramento ay isang tandang nakikita na nagbibigay ng kahulugan at grasyang hindi nakikita. Sa sakramento ang tandang nakikita ay ang pagpapalitan ng sumpa ng lalaki at ng babae sa harap ng Diyos at sa harap ng sambayanan. Ang makataong pagmamahalan ng lalaki at ng babae – at ang tunay na kasal ay ginagawa ng isang lalaki at isang babae – ay nagiging tanda ng hindi nakikitang pagmamahalan ni Kristo at ng Simbahan. Iyan ay maliwanag sa sinabi sa atin ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Inilalarawan sa Banal na Kasulatan ang kaugnayan ng Bayan at ng Diyos sa kaugnayan ng mag-asawa.
Sa bawat kasal ang babae ay kumakatawan sa simbahan at ang lalaki kay Kristo. Tulad na ang simbahan ay sumusunod at naglilingkod kay kristo, kaya ang babae ay naglilingkod sa kanyang asawa. Tulad ng si Kristo ay nag-alay na kanyang buhay para sa Simbahan, gayundin ang lalaki ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang asawa. Tulad na ang simbahan ay ang katawan ni Kristo, gayundin ang babae ay ituring ng lalaki na kanyang katawan. Iisa na lang sila, at hindi dalawa. Hindi binubugbog o minumura man kaya ng ulo ang kanyang katawan, kaya sinasaktan ng lalaki ang kanyang sarili kapag binubugbog o minumura niya ang kanyang asawa. Hindi maghihiwalay ay simbahan kay Kristo at hindi papabayaan ni Kristo ang simbahan. Kaya walang paghihiwalay sa mga ikinasal sa simbahan.
Ang sakramento ay hindi lang tanda ng isang malalim na kahulugan. Ang sakramento ay nagbibigay ng grasya upang an kanyang tinatanda ay matupad. Kaya ang kinakasal sa simbahan ay may katangi-tanging grasya na binibigay ng Diyos sa mag-asawa upang magampanan nila ang kanilang tungkulin sa pamilya. Totoong mahirap ang buhay na mag-asawa. Mahirap magsama hanggang kamatayan. Mahirap, pero hindi imposible, at ito ay napatunayan ng maraming mga may-asawa. Mas maraming mga may-asawa na nananatiling tapat kaysa mga naghihiwalay. Ito ay makakayanan kasi may Diyos na nakataya sa kanilang pag-iisang dibdib.
Totoo may kinakasal naman sa simbahan na nagkakahiwalay din. Kung susuriin natin iyan ay iyong ikinasal nga sa simbahan pero ang Diyos ay hindi naging bahagi ng kanilang buhay mag-asawa. Hindi naman sila nagdadasal ng sama-sama, o nagsisimba bilang pamilya, o sama-samang lumalago sa kanilang buhay bilang Kristiyano. Paano sila matutulungan ng Diyos kung hindi naman sila sabay-sabay na lumalapit sa kanya?
Sa paniniwala sa katuruan at gabay ng Diyos tungkol sa kasal, kailangan tayong magdesisyon sa sumunod sa kanya at hindi sa anong uso, o anuman ang sinasabi ng mga tao o ng sino mang scientist or researcher. Ang Diyos ay tunay na muog na ating maasahan. Nakatayo ang ating buhay sa bato kung tayo ay sumusunod sa kanya. Piliin natin siya.
Iyan ang sinabi ni Josue sa mga Israelita sa ating unang pagbasa. Noong ay nakuha na ng mga Israelita ang lupain ng Canaan, ang lupang ipinangako ng Diyos sa kanilang mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Naihati na ni Josue ang lupain sa labing dalawang tribu ng Israel. Nagpatawag si Josue ng pagpupulong sa mga leaders ng 12 tribes sa Siquem at hinamon sila. “Marami na kanyong mga diyos-diyosan na nakilala – ang mga diyos ng mga Amorita doon sa ibayo ng ilog Euprates, sa lugar na pinanggalingan ng pamilya ng tatay ni Abraham. Nakilala din ninyo ang mga diyos ng mga Egipciano. Dito sa Caaan may mga diyos din ang mga taga-rito. Pumili na kayo ngayon kung sino ang diyos o mga diyos na paglilingkuran ninyo.” Ani Josue, “Pero ako at ang aking pamilya ay sa Panginoon, kay Yahweh, lamang maglilingkod at hindi sa ibang diyos.” Sinabi din ng mga tao na sila rin daw ay kay Yahweh lang sasamba. Pumili ang mga Israelita. Si Yahweh ang kanilang pinili. At habang sila ay naging tapat sa Panginoon, naging maayos ang buhay nila sa Canaan. Nagkagulo-gulo na lang mga kanilang buhay at tinalo sila ng mga kaaway at dumating ang mga salot noong ang mga anak nila ay sumamba na sa mga Baal o mga Astaroth, na siyang mga diyos-diyosan ng mga Cananaita.
Ganoon din sa ating Ebanghelyo. Pinapili ni Jesus ang kanyang mga alagad. “Aalis din ba kayo?” ang tanong niya sa kanila. Ang mga tao ay nagsialisan na noong naging mahirap nang tanggapin ang mga salita ni Jesus. Una silang nagbulong-bulongan noong sinabi ni Jesus na siya ang pagkaing nanggaling sa langit. Sabi ng mga tao: “Paano niyang masasabi na siya ay galing sa langit na alam natin kung saan siya galing, na siya ay isang anak lamang ng Carpinero at siya ay taga-Galilea?” Ngunit mas naging matindi ang kanilang reklamo ng hayagang niyang sinabi na ang pagkaing ibigay niya ay ang kanyang laman. Ang kanyang dugo ay tunay nainumin at ang kanyang laman ay tunay na pagkain. Kung hindi nila iinumin ang kanyang dugo at kakainin ang kanyang laman, hindi sila magkakaroon ng buhay na walang hanggang. Hindi na nila ito matanggap – na kakainin ang kanyang laman at iinumin ang kanyang dugo. Kaya umalis na ang mga tao. Iniwan na si Jesus.
Kaya hinamon ni Jesus ang mga alagad niya kung aalis din ba sila. Si Simon Pedro ang sumagot para sa mga alagad: “Panginoon kanino pa kami pupunta? Ikaw ay may salitang nagbibigay buhay. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.” Pumili ang mga alagad. Naninindigan sila kay Jesus. Maaaring sila mismo ay hindi gaano nakakaintindi kung ano ang ibig sabihin na kainin ang laman ni Jesus at inumin ang kanyang dugo. Pero naniniwala sila kay Jesus na siya ang pinadala ng Diyos, na siya ang Panginoon. Tinatanggap nila ang kanyang mga salita kasi naniniwala sila sa kanya.
May mga pagkakataon na hindi madali sundin ang mga aral ng Panginoong Jesus kasi ito ay salungat sa mga nauusong kaugalian ngayon, tulad ng divorce, tulad ng pagbabawal sa same sex marriage, tulad ng pagtanggi sa abortion at contraception. Makapaninindigan ba tayo kasi ito ang katuruan ng Panginoon, kasi naniniwala tayo sa kanya?
Hindi naman magbibigay ng aral si Jesus upang pahirapan lang tayo. Ibinigay na niya ang kanyang buhay para sa atin pagdududahan pa ba natin ang kanyang pagmamahal sa atin na ang kanyang mga aral ay iyong ikabubuti lamang natin?
Ang katuruan ng simbahan ay hindi katuruan lang ng ilang mga pari, o mga obispo, o mga theologians, o ng sinong Santo Papa. Ang misyon ng simbahan ay walang iba kundi ibahagi sa ating panahon ngayon ang katuruan ni Kristo, at ang mga katuruang ito ay nakaugat sa Banal na Kasulatan. Ako bilang obispo at ang mga pari at madre na nandito na nagbibigay ng aming buhay para sa tao, inaalay ba namin ang aming buhay upang lilangin lang ang mga tao o pahirapan lang sila? kahit na mahirap at hindi katanggap-tanggap, kailangan naming ipahayag ang tunay na katuruan ni Kristo kasi kami ay katiwala lamang at mga lingkod lamang ng Salita ng Diyos. Ito ang aming pinagseserbiyohan at ito ang aming pinapahayag.